-- Advertisements --

Sumalo ng pinakamaraming pag-ulan ang mga siyudad ng Baguio at Quezon sa nakalipas na dalawang linggong pag-ulan dala ng habagat, ayon sa state weather bureau.

Nakapagtala ng 1950.8 millimeters (mm) na ulan ang Baguio City mula Agosto 1 hanggang 18. Ang daming ito ay 202.5% na mas mataas o lampas pa sa normal na ulan para sa buong buwan ng Agosto na nasa 920.3 mm.

Naitala naman ng Quezon City Science Garden ang 1143.3 mm ng ulan sa parehong period. Ito naman ay 202.1% na mas mataas sa normal na dami ng ulan sa lungsod.

Noong Lunes lamang, sumalo ng 201.7mm na ulan ang QC sa loob lamang ng lima hanggang anim na oras.

Ipinaliwanag ng state weather bureau na ito ay nangangahulungang tumanggap ang dalawang siyudad ng dalawang buwang average rainfall sa buwan lamang ng Agosto.

Matatandaang hinambalos ng habagat ang maraming parte ng bansa ng mga pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa Baguio ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng nasawi na pumalo sa 10 katao dahil sa mga insidente ng landslide.