Sumampa na sa 10 ang kabuuang bilang ng mga nasawi matapos marekover ang dalawa pang labi sa naganap na landslide sa Barangay Guisad Surong, Baguio City, habang 12 naman ang naitalang nakaligtas sa insidente.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, narekover ang mga labi ng dalawang natitirang biktima kaninang 2:45 ng madaling araw, dahilan upang matapos na ang Search and Retrieval Operations para sa mga nawawala.
Inihayag ng alkalde na umabot sa mahigit 30 oras ang tuloy-tuloy na pagsisikap ng mga rescuer bago tuluyang mailabas ang lahat ng mga biktima mula sa gumuhong lupa.
Sa ngayon, nakatutok ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilya ng mga nasawi pati na rin sa mga survivor na kasalukuyang nagpapagaling at nananatili sa ligtas na lugar.
“After almost mga 30 plus hours, na-extract na natin lahat ‘yung mga missing kasi 10 nga ‘yung missing doon,” pahayag ni Mayor Magalong.
Patuloy namang pinag-iingat ang publiko na nasa mga lugar na may history na ng landslide dahil nananatili ang panganib habang may mga naitatalang ulan.
















