-- Advertisements --

Panibagong kaso ng umano’y pagbebenta ng karne ng aso ang naitala sa La Trinidad, Benguet matapos makumpirma ng National Meat Inspection Service (NMIS) na positibo sa DNA ng aso ang isang food sample na binili mula sa isang restaurant sa lugar.

Batay sa isinagawang laboratory examination, naglalaman ng dog DNA ang sinuring pagkain. Dahil dito, apat na panibagong reklamong kriminal ang isinampa laban sa may-ari ng nasabing establisyemento.

Ayon kay animal welfare advocate na si Atty. Amadeo Degay, ito na ang ikalawang kumpirmadong insidente na may kaugnayan sa pagkain na umano’y inihain ng isang restaurant na may kaparehong pangalan sa La Trinidad.

Ani Degay, ilang empleyado ng gobyerno ang umano’y umorder ng dalawang serving ng pinaghihinalaang karne ng aso. Isinailalim ang sample sa pagsusuri ng NMIS, at muli itong nagpositibo sa dog DNA.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang may-ari ng restaurant kaugnay ng isyu.

Nilinaw naman ni Degay na bagama’t may mga pagbubukod sa ilalim ng Animal Welfare Act sa ilang mga kulturang kinikilala o ritwal, hindi ito maaaring gawing batayan upang gawing negosyo ang pagkatay at pagbebenta ng karne ng aso.

Samantala, sa hiwalay na operasyon noong Hulyo 12, isang 44-anyos na lalaki ang inaresto sa Barangay Kias, Baguio City matapos umanong mahuling kinakatay ang tatlong aso.

Ayon sa Baguio City Police Station 4, rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng ulat hinggil sa insidente.

Nahaharap ang suspek sa tatlong magkakahiwalay na kaso dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act Number 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998.