Apat ang nasawi, kabilang ang isang dalawang-buwang-gulang na sanggol sa southern Colombia matapos ang naitalang pag-atake ng mga drug gang at rebel groups sa isang military base, ayon kay Colombia President Abelardo de la Espriella nitong Lunes, Nobyembre 2.
Naganap ang naturang pag-atake Linggo ng gabi sa Planadas, isang bayan sa Tolima province ng Colombia kung saan tinira ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang military base gamit ang isang improvised rocket na gawa sa gas cylinders, paglalahad ni Planadas Mayor Juan Camilo Hueje.
Ani ng alkalde, apektado rin sa nasabing pag-atake ang isang kalapit na ospital at kabahayan sa tabi ng himpilan kung kaya’y ipinag-utos muna nitong ipagamit ang isang eskwelahan bilang pansamantalang pasilidad ng ospital.
Pagpapangako naman ng Colombian President na gagamitin nito ang buong pwersa upang tuldukan ang pundasyon ng mga naturang kriminal.
“We will use the full capacity of the state to finish off these criminal structures,” sulat ni President de la Espriella sa kaniyang opisyal na pahayag.
Ang mga naturang grupo ng rebelyon, ayon kay Human Right Ombudswoman ng Colombia na si Iris Marin, ay matagal nang aniya nakikipagsagupaan sa estado sa layong angkinin ang kontrol sa Planadas, simula pa noong 2022.
Bagama’t may napagkasunduang kapayapaan sa pagitan ng rebelyon at pamahalaan nitong 2016 na nagdulot ng pagbaba ng kaso ng karahasan sa mga rehiyon, tumaas ito muli kasunod ng kampanya ng militar laban sa mga ilegal na minahan ng ginto, lalo na sa bayan ng Planadas.












