Binatikos ni Senator Imee Marcos ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., partikular ang pahayag nito na malapit nang sampahan ng kaso ng Ombudsman ang kanilang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang pahayag, tinawag ng senadora na isa lamang umanong “pambubudol” ang naturang statement ng Pangulo.
Kinuwestiyon din ng senador kung bakit mabilis umanong nakakasuhan ang mga opisyal na kritiko ng administrasyon, ngunit mabagal naman ang aksyon laban sa mga kaalyado nito.
Iginiit pa ng Presidential sibling na hindi lamang si Romualdez ang dapat managot dahil hindi aniya ito nag-iisa.
Hindi dumalo si Imee sa SONA, kasama ang iba pang miyembro ng minorya sa Senado.
Samantala, mas positibo naman ang naging reaksyon ni Senator Robin Padilla sa talumpati ng Pangulo.
Nagpasalamat siya dahil mas maraming ginamit na wikang Filipino sa SONA, na aniya ay naging dahilan upang mas madaling maunawaan ng karaniwang mamamayan ang mga plano ng administrasyon sa nalalabing panahon ng termino nito.
“Maraming salamat sa ating Pangulo at mas marami ang wikang Pilipino sa kanyang talumpati, mas naintindihan naming mga hampaslupa ang kanyang mga nais isagawa sa loob ng natitira niyang termino,” ani Padilla sa kanyang social media post.















