-- Advertisements --

Nagpahayag ng reservation ang ilang senator-judge sa naging desisyon ng Senate impeachment court na maglabas ng subpoena para sa bank records, tax records, at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol na naghain ng magkakahiwalay na manifestations sina Senator-Judges Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Loren Legarda, Imee Marcos, at Camille Villar kaugnay ng nasabing subpoena.

Ayon kay Tongol, nililinaw pa niya kung naghain din ng manifestation si Senator-Judge Bong Go.

Para kay Senator Imee Marcos, tutol siya sa pagpapalabas ng subpoena para sa mga financial record ng Bise Presidente na sumasaklaw sa panahon bago pa man maging Ikalawang Pangulo si Sara Duterte.

Aniya, nagsimula lamang ang termino ni Duterte noong Hunyo 30, 2022, kaya ang mga umano’y naganap bago ang petsang ito ay hindi maaaring maging batayan ng impeachment laban sa kanya.

Dagdag pa ni Sen. Marcos, kung may mga isyu hinggil sa yaman na naipon ni Duterte bago ito maupo sa puwesto, dapat itong dinggin sa mga regular court at hindi sa impeachment court.

Nagpahayag din ng reservation si Senator Camille Villar. Bagama’t kinikilala niya ang kapangyarihan ng impeachment court na mag-isyu ng subpoena, sinabi niyang dapat limitahan ang mga dokumentong hihingin sa panahon ng panunungkulan ng isang impeachable official, alinsunod sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong Duterte v. House of Representatives.

Ayon kay Villar, wala umanong malinaw na batayan kung bakit kailanagang hingiin ang mga record na sakop ang halos dalawang dekada ng trasactions ng Bise.

Nauna nang nagpahayag ng pagtutol si Senator-Judge Robin Padilla sa pagpapasubpoena sa financial records ni VP Sara. Aniya, kung ito ang magiging pamantayan, dapat ding buksan ang bank records ng lahat ng impeachable officials.

Nang tanungin kung maituturing bang pagtutol ang isinumiteng manifestations ng ilang senador, sinabi ni Tongol na tila ganoon ang ipinahiwatig sa naging pahayag ni Senator Alan Peter Cayetano sa pagdinig.

Sa mismong paglilitis, sinabi ni Cayetano na naghain siya ng written continuing objection sa naging desisyon ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero na ibaba ang subpoena. Hiniling din niyang maisama ang kanyang manifestation sa official record ng impeachment proceedings.