-- Advertisements --

Pinuna ni Senador Imee Marcos ang umano’y taon nang non-operational irrigation projects ng National Irrigation Administration (NIA) sa gitna ng deliberasyon para sa panukalang 2027 budget ng ahensya sa Kongreso.

Kaugnay ito ng Commission on Audit (COA) report hinggil sa mga hindi napapakinabangang patubig na sumasaklaw sa mahigit 46 ektarya sa bansa. Dahil dito, hinanapan ni Marcos ang ahensya ng malinaw at time-bound rehabilitation plan para sa mga nasirang pasilidad.

Depensa naman ni NIA Administrator Eduardo Guillen, napinsala ng mga kalamidad ang mga naturang proyekto, dagdag pa niya na isa sa mga dahilan ng pagkaantala ng pagkumpuni nito ay dahil sa kawalan ng Quick Response Fund (QRF) ng ahensya.

Pinalagan ni Marcos ang katwiran ni Guillen ukol sa kawalan ng QRF. Ayon sa senadora, may pondo naman para sa pagpapanatili at pagkukumpuni ng mga proyekto mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng ahensya.

Tugon ng pamunuan ng NIA, sa kasalukuyan ay patuloy na ang repair sa mga proyekto upang muling magamit ng mga magsasaka saiba’t-ibang rehiyon.

Kaugnay nito, pormal na pinagsumite ni Marcos ang NIA at ang COA ng buong ulat at opisyal na dokumento ukol sa estado ng mga nasabing irrigation system.

Bukod sa mga sirang proyekto, binatikos din ng senador ang umano’y non-compliance o hindi pagsunod ng ilang regional offices ng NIA sa Procurement Law bagay na dati pa umanong suliranin ng ahensya na inilarawan niyang maaaring humantong sa panibagong uri ng scam, tulad ng sa mga flood control project.