-- Advertisements --

Maglalabas ang Department of Health (DOH) ngayong linggo ng mga pinaigting na protokol laban sa Ebola disease.

Ito ay matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) ang outbreak ng Bundibugyo virus bilang isang Public Health Emergency of International Concern.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, unang inisyu ang mga katulad na alituntunin noong 2014 Ebola outbreak.

Nakatuon ang bagong protokol sa mga sumusunod na hakbang kabilang ang mas maigting na surveillance sa mga eroplano at barkong nagmumula sa Democratic Republic of Congo at Uganda sa Central Africa.

Lahat ng biyahero mula sa mga apektadong bansa ay isasailalim sa screening at obligadong magsagot ng eTravel form. Ang mga may sintomas o ma-flag ay agad i-ku-quarantine.

Pinaalahanan naman ang mga medical frontliner na mag-ingat nang husto sa paghawak ng mga suspected o infected na pasyente.

Nilinaw naman ni Herbosa na walang dapat ikabahala ang publiko sa ngayon. Ang babala ng WHO ay normal na pamamaraan lamang tuwing may ganitong uri ng outbreak upang alertuhin ang buong mundo.

Sa kung paano ba ito naihahawa, ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang Ebola ay hindi airborne. Naihahawa lamang ito sa pamamagitan ng direktang kontak sa bodily fluids ng may sakit tulad ng dugo, ihi, at dumi, laway, pawis, at pasintabi po…vomit, gatas ng ina (breast milk), amniotic fluid, semen, at vaginal fluid.

Maaaring magdulot ng malalang sakit ang ebola virus na may mataas na mortality rate na 80% hanggang 90%.