Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat laban sa mga sakit na karaniwang tumataas ang kaso tuwing tag-ulan, kabilang ang water-borne diseases, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue o ang tinatawag na “W.I.L.D.” diseases.
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, mahalagang agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center ang mga taong nalusong sa baha upang makaiwas sa mga posibleng komplikasyon sa kalusugan.
“Kung tayo po ay lumusob dahil hindi natin naiwasan o kung anuman ang dahilan, kahit anong baha po ‘yan, tayo po ay kumonsulta sa ating pinakamalapit na health center. Meron naman po tayong mga libreng gamot,” ani Domingo.
Kasabay nito, muling isinusulong ng DOH ang kampanyang “4Ts” laban sa dengue upang mapigilan ang pagdami ng lamok na nagdadala ng sakit.
Kabilang sa kampanya ang Taob, o ang pagbabaliktad ng mga lalagyan na maaaring maipunan ng tubig; Taktak, o pag-aalis ng naipong tubig sa mga bagay na maaaring pamugaran ng lamok; Tuyo, o pagpapanatiling tuyo ng paligid sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga nakatiwangwang na tubig; at Takip, o pagtatakip sa mga imbakan ng tubig upang hindi ito pamahayan ng mga lamok.
Ipinaalala rin ng ahensya na pinakamadalas mangagat ang mga lamok na may dalang dengue mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga at alas-4 hanggang alas-6 ng hapon.
Batay sa datos ng DOH, nakapagtala ang bansa ng 50,727 kaso ng dengue mula Enero hanggang Mayo 2026. Mas mababa ito ng 56 porsiyento kumpara sa 114,308 kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Habang nagpapatuloy ang tag-ulan, hinikayat ng DOH ang publiko na regular na subaybayan ang mga weather update, gumamit ng payong, kapote o bota kapag lalabas ng bahay, at tiyaking malinis at ligtas ang iniinom na tubig.















