-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang presyo ng mga gamot kasunod ng umiiral na oil crisis, ayon sa ahensya nitong Biyernes, Marso 27, 2026.

Ayon kay DOH spokesperson at Undersecretary Albert Domingo, tuloy-tuloy ang kanilang monitoring habang nagsasagawa rin ng iba pang hakbang tulad ng inventory checks at contingency planning, partikular sa mga ospital ng DOH, upang matiyak na hindi maaantala ang suplay ng gamot at medical supplies.

Nauna nang sinabi ng DOH na patuloy nitong mino-monitor ang presyo ng mga gamot at mga kagamitan nito matapos magbabala ang isang ekonomista na posibleng maapektuhan ng inflation ang sektor ng kalusugan bunsod ng krisis sa Middle East.

Dagdag pa ni Domingo, kinakailangang tiyakin ng PhilHealth na makasasabay ito sa inaasahang pagtaas ng demand sa serbisyong pangkalusugan.

Samantala, hinikayat niya ang publiko na unawain ang breakdown o “unbundling” ng singil sa mga pribadong ospital, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo dahil sa inflation.

Dagdag pa niya, mas mauunawaan ng publiko ang pagtaas ng singil kung malinaw ang breakdown nito, at maaari ring tumulong ang DOH sa pamamagitan ng Zero Balance Billing at ang PhilHealth sa pamamagitan ng tamang benepisyo.