-- Advertisements --

Ipinanukala ni Manila 3rd Dirstrict Representative Joel Chua ang House Bill 5862 o panukalang Public Nursing Home Act of 2025 para sa mga senior citizen sa bawat siyudad at bayan sa bansa.

Ayon sa mambabatas, kaya itong makamit at maaaring makapagpatayo ng public nursing homes sa mga priority areas sa loob ng limang taon.

Giit pa ni Chua, ang nursing homes para sa mga nakatatandang populasyon na inabandona, walang tirahan at walang pamilya o kaanak na mag-aaruga sa kanila ay isang moral na pananagutan.

Nanindigan din ang mambabatas na ang nursing homes ay dapat na mayroong angkop na mga pasilidad, mga kwarto at espasyo para sa mga senior citizens, gayundin dapat mayroong basic utilities, kuryente at tubig, kwalipikadong staff, basic health at recreational facilities at administrative office.

Dapat ding ang bed capacity ng institusyon ay angkop sa dami ng mga nakatatandang populasyon.

Sa ilalim ng panukalang batas, inirekomendang magbigay ng technical assistance at supervison ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission of Senior Citizens (NCSC) habang magkasamang papangasiwaan naman ang nursing homes ng local Office of Senior Citizens Affairs at Social Welfare Office.