Posibleng hindi na iharap ng House prosecution panel ang ilang testigo at hindi na rin ituloy ang pagtalakay sa ilang articles of impeachment kung sa tingin nila ay sapat na ang ebidensiya upang mapatunayan ang pananagutan ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Manila Representative Joel Chua, plano nilang simulan ang paglalatag ng kaso sa umano’y mga bantang binitiwan ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na susundan ng mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, panunuhol, at hindi maipaliwanag na yaman.
Sinabi ni Chua na kung makikita nilang matibay na ang kaso matapos maiharap ang mga pangunahing ebidensiya at ilang testigo, maaari na nilang tapusin ang presentasyon at i-waive ang iba pang testigo o articles of impeachment.














