Kumpiyansa si Rep. Joel Chua na hahantong sa conviction ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit hindi ito humarap bilang witness sa Impeachment Court.
Ayon kay Chua, mula pa sa simula ay nanindigan ang impeachment prosecutors na sapat at maayos na naipresenta ang mga ebidensya upang suportahan ang kanilang mga alegasyon laban sa bise presidente.
“From the very beginning, hindi naman kami tatapos sa bawat article kung hindi kami naniniwala na ito ay naipresenta na rin nang maayos,” pahayag ni Chua.
Kabilang sa mga isyung tinalakay ng prosecution ang Article 4 na may kaugnayan sa umano’y grave threats at Article 1 tungkol sa paggamit ng confidential funds.
Ani Chua, naniniwala ang prosecution na nailatag na nila nang maayos sa mga senator-judges at sa publiko ang mga ebidensyang kinakailangan upang patunayan ang kanilang mga alegasyon.
Dahil dito, sinabi ni Chua na hindi nila nakikitang magiging hadlang sa kanilang kaso ang hindi pagharap ni Duterte bilang witness sa impeachment trial.















