-- Advertisements --

Inihalintulad ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ang isyu ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte sa fertilizer scam, na kapwa aniya may tanong kung saan talaga napunta at nagamit ang pondong inilabas ng gobyerno.

Ayon kay Chua, susunod na haharap sa impeachment court ang mga auditor ng Commission on Audit (COA) upang ipaliwanag kung naging tama ang paggamit at pag-uulat sa P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Sinabi rin niya na hindi na kailangang tumestigo ang dalawang opisyal ng militar na umano’y tumanggap ng pondo dahil ang Special Disbursing Officer ang may pananagutan sa paghawak at paggamit ng confidential funds.

Binigyang-diin ni Chua na hindi sapat na may layunin ang paggastos ng pondo.

Aniya, kailangan ding mapatunayan na ang pera ay nagamit sa tamang paraan at nakinabang ang mga tunay na benepisyaryo.

Nilinaw naman ni Chua na patuloy pa ring inihaharap ng prosekusyon ang ebidensya at magkakaroon ng pagkakataon ang depensa na sagutin ang mga alegasyon sa impeachment trial.