-- Advertisements --

Inihayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na kabilang sina Senador Rodante Marcoleta at Pia Cayetano sa mga ikinokonsiderang mamuno sa Senate Blue Ribbon Committee (BRC).

Ayon kay Cayetano, hindi lamang tututukan ng komite ang isyu ng umano’y iregularidad sa flood control projects, kundi pati na rin ang mga pangyayaring kaugnay ng insidente ng putukan sa Senado at ang papel ng National Bureau of Investigation dito.

Ipinaliwanag din niya na wala pang pinal na desisyon kung sino ang mamumuno sa komite, dahil nagkasundo umano ang bagong majority bloc na walang senador ang awtomatikong hihingi o magdedemanda ng partikular na komite at pag-uusapan ito nang sama-sama.

Samantala, inamin ni Cayetano na matindi ang naging pressure sa kanyang pananatili bilang Senate President sa nakalipas na mga linggo.

Gayunman, sinabi niyang sa tulong ng Diyos ay nagawa niyang mapanatili ang suporta sa kanyang liderato.

Binanggit din niya na may mga pagtatangka umanong baguhin ang balanse ng puwersa sa Senado, kasabay ng mga usapin sa mga komite at iba pang isyung pampulitika.