Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa humigit-kumulang 1.4 milyong pamilyang Pilipino ang posibleng mauwi sa kahirapan kung hindi agad kikilos ang pamahalaan upang tugunan ang epekto ng patuloy na oil crisis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT), sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na batay sa mga simulation ng Philippine Institute for Development Studies at Asian Development Bank (PIDS), posibleng mangyari ang pagtaas ng bilang ng mga mahihirap sa loob ng unang tatlong buwan ng krisis hanggang Hulyo kung ‘walang agarang interbensyon ang gobyerno.
Dagdag pa niya, mas mataas pa umano ang kanilang internal estimates kumpara sa unang nabanggit na bilang.
Samantala, tinatayang higit 400,000 kabahayan ang maaaring mapasama sa “near-poor” category, ayon kay Senate PROTECT Committee Chairman Sherwin Gatchalian.
Ibinahagi rin ng DSWD na target nilang tugunan ang epekto sa humigit-kumulang 7.5 milyong kabahayan, kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga mahihirap na household base sa Community-Based Monitoring System (CBMS), at mga low-income at minimum wage earners na rehistrado sa Social Security System (SSS).
Tinatayang aabot sa P74 billion ang kakailanganin upang masuportahan ang tinatawag na bottom 30% ng populasyon at maibalik ang nabawasang kakayahan nilang gumastos.
Aminado rin ang DSWD sa tinatawag na “aid fatigue,” ngunit binigyang-diin na mahalaga pa rin ang tulong ng gobyerno upang maiwasan ang mas malalim na pagbagsak ng ekonomiya sa hinaharap.
















