Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na umabot na sa higit P98 million ang naipamahaging fuel subsidy sa mga taxi operator at driver sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang tulong ng pamahalaan sa gitna ng mataas na presyo ng langis.
Sa pahayag ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, malaking bahagi ng cash assistance ay naipamahagi sa Central Office sa Quezon City, kasunod ang mga rehiyon ng Davao, Central Visayas, at Western Visayas.
Sinabi ni Mendoza na patuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga transport service entities at operators upang masiguro ang maayos at mabilis na distribusyon ng ayuda, lalo na sa mga lugar na may malalaking lungsod.
Ipinag-utos din umano ang mas pinabilis na pamamahagi ng natitirang subsidy sa iba pang public utility vehicle drivers alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Dagdag pa ng LTFRB, nakatakda ang karagdagang payout sa Abril 24 at 25 sa Quezon City, kung saan muling ipamamahagi ang fuel subsidy para sa mga benepisyaryo.
Tiniyak ng ahensya na available ang pondo at ginagawa ang lahat upang agad na maibigay ito sa karapat-dapat.
Hinikayat din ng LTFRB ang mga benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kanilang hotline at social media channels para sa anumang isyu sa distribusyon ng ayuda.
















