Nasawi ang hindi bababa sa 16 katao matapos tumama ang magnitude-7 na lindol sa Tibet Autonomous Region sa China nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 22.
Batay sa mga ulat, umabot na sa 65 ang mga nasugatan habang gumuho naman ang hindi bababa sa 339 na bahay at 20 kulungan ng mga hayop sa lungsod ng Nagqu.
Naitala ang lindol dakong alas-10:33 ng gabi, oras sa China, na may sentrong lindol na nasa layong 191 kilometro hilagang-silangan ng Nagqu at lalim na 18 kilometro.
Nagpakalat ang mga awtoridad ng mahigit 1,600 tauhan upang tumulong sa search and rescue operations at pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan sa mga apektadong residente.
Kabilang sa mga ipinadala ang mga pansamantalang matitirhan, tent, folding bed, flashlight at damit na panlamig.
Iniulat din ng mga awtoridad ang daan-daang aftershock kasunod ng malakas na pagyanig, habang patuloy ang pagsusuri sa pinsala at pagtulong sa mga residenteng naapektuhan ng sakuna.
Ayon sa ulat, ito ang pinakamalakas na lindol na tumama sa rehiyon sa nakalipas na limang taon.
Patuloy ang monitoring at relief operations sa lugar.










