Nilinaw ng Thailand na wala itong intensyong ipagpaliban ang pagpapatuloy ng border talks sa Cambodia at nais nitong maging maayos at epektibo ang muling pagbubukas ng negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa press briefing sa sidelines ng ASEAN Summit sa Cebu kagabi, Mayo 8, sinabi ni Maratee Nalita Andamo, Deputy Director-General ng Department of Information at Deputy Spokesperson ng Ministry of Foreign Affairs ng Thailand, na nais ng bansa na magpatuloy ang negosasyon ngunit mahalagang maibalik muna ang tiwala ng magkabilang panig bago tuluyang maipagpatuloy ang pormal na usapan.
Ayon kay Andamo, bagamat may umiiral nang mahigit apat na buwang ceasefire, kinakailangan pa ring pagtuunan ng pansin ang confidence-building measures upang maging maayos ang kapaligiran para sa negosasyon.
“Talks have already taken place informally within Thai agencies, and we will certainly be along that path. My foreign minister said that before we get to a formal resumption, we need to focus on rebuilding trust. And this is where what I said just now about the foreign ministers being assigned to look at confidence-building measures,” saad ni Andamo.
Aniya, tuloy-tuloy naman ang komunikasyon at koordinasyon sa ilalim ng Regional Border Committee (RBC) at General Border Committee (GBC), na regular umanong nag-uusap upang mapanatili ang tigil-putukan sa hangganan.
“There’s no intention on the Thai side for a delay. As a matter of fact, we would very much like the negotiations to happen and to happen effectively, but we do need to improve the environment. At the moment, we have a ceasefire on the ground, but we have yet to really appreciate a ceasefire, dagdag nito.
Sinabi rin niya na matapos ang mga naging pag-uusap nitong mga nakaraang araw, nakahanda na ang Thailand na tingnan ang muling pagbubukas ng lahat ng communication channels, kabilang ang Joint Boundary Committee (JBC).
Gayunman, aminado si Andamo na kinakailangan pa ng Thailand na tapusin ang internal process para sa pagtatalaga ng mga opisyal na magiging kinatawan nito sa JBC.
Dagdag pa niya, inatasan na rin ang mga foreign minister na pag-aralan ang mga hakbang para sa confidence-building measures upang makalikha ng mas maayos na kondisyon para sa epektibong negosasyon at talakayan sa ilalim ng JBC.
Iginiit din ni Andamo na nais ng Thailand na matuloy ang usapan at maging produktibo ang magiging resulta nito sa sandaling pormal nang maipagpatuloy ang negosasyon.















