Maaaring gamitin ng kampo ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez ang pagbawi ng salaysay ng apat na dating bodyguards bilang batayan para kuwestiyunin o ipabasura ang kaso laban sa kanya.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu sa abogadong si Atty. Ariel Inton, sinabi nitong mahalaga sa kaso ang kredibilidad ng mga testigo, kaya posibleng gamitin ng mga abogado ni Romualdez ang kanilang recantation bilang bahagi ng kanilang depensa.
Nasa preliminary investigation pa ang reklamong inihain laban kay Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Para kay Inton, mahalagang bantayan kung anong kaso ang tuluyang isasampa ng Ombudsman at kung mananatili ang plunder complaint.
Aniya, magiging indikasyon din ng magiging direksyon ng usapin kung tuluyang ibabasura ang kaso laban kay Romualdez o kung ibang kasong may piyansa ang isasampa.
Naniniwala rin siya na maaaring makaapekto sa political landscape patungo sa 2028 Presidential elections ang magiging resulta ng kaso.
Dagdag pa nito, malayo pa ang 2028 at maaari pang magbago ang political landscape, kabilang ang mga posibleng kandidato at political alliances.















