Nagbabala ang ekonomista na si Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa publiko na posibleng lalo pang humina ang halaga ng Philippine peso sa panukalang pagtanggal value added tax (VAT) exemptions sa ilang basic commidities.
Ayon kay Salceda na siya ring chairperson ng House of Representatives ways and means committee na tumatalakay sa usapin sa buwis, binigyang diin nito na ilang mga produkto na tinukoy ng Makabayan bloc na siyang nagsusulong ng naturang panukala ay VAT-exempt na kagaya ng asukal, beef, isda, asin, uling at firewood.
Tanging ang canned goods, tinapay, biscuits, sabon at kandila ang hindi exempted sa VAT sa ilalim ng naturang proposal. Subalit, ayon sa mambabatas na ang pagsasama sa mga ito sa VAT exemptions ay magreresulta ng deficit at kung mabigo ang pamahalaan na bawasan ang pondo o taasan ang income para suportahan ang mawawalang revenue, posible na sumadsad ang halaga ng dollar-peso exchange sa P60 kontra isang dolyar.
Nauna rito, sa iprinisentang chart ni Salceda na nagpapakita ng mga items o produkto na kabilang sa VAT exemptions sa naturang panukala ay kadalasang binibili ng nasa middle-income at hindi mahihirap na pamilya.
Kayat sa halip na tax exemptions, inirekomenda ng mambabatas ang pagpapalawig na lamang ng targeted cash transfer program hanggang December 2022.