-- Advertisements --

Naghain si Senator Erwin Tulfo ng panukalang batas na naglalayong ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12% tungo sa 10% bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa. 

Sa inihaing Senate Bill No. 1552 o ang panukalang “VAT Reduction Act of 2025”, Iginiit ni Tulfo na ang pagbaba ng VAT ay direktang makakatulong sa pagpapagaan sa pasanin ng mga Pilipino sa mahal ng bilihin, pati na rin sa pagpapalakas ng kanilang kakayahang bumili. 

Dagdag pa ng senador, sa halip na umasa ang mga pinoy sa tulong-pinansyal ng gobyerno na maari umanong masayang dahil sa posibleng katiwalian, mas mainam nang manatili ang pera sa bulsa ng mamamayan. Habang tinukoy rin nito na ang mas mababang VAT ay maaring maghikayat  ng mas mataas na paggastos ng mga konsyumer, na posibleng magbunsod ng paglago ng ekonomiya. Sa ganitong paraan maaring umanong mabawi ng  pamahalaan ang posibleng kakulangan sa kita habang lumalawak ang aktibidad pang-ekonomiya. 

Binangit din ni Tulfo na ang Pilipinas at Indonesia ang may pinakamataas na VAT sa Timog-Silangang Asya na parehong nasa 12%, habang ang ibang karatig-bansa ay may VAT na mula sa 7% hanggang 10% lamang. Aniya, ang VAT Reduction Bill ay hindi lamang makakatulong sa mga ordinaryong mamamayan kundi pati narin sa pagpapahusay ng pagiging kompetitibo ng bansa sa rehiyon. 

Samantala, nakasaad sa paliwang ng panukala na ang pagbawas sa VAT ay kaayon ng probisyon ng Konstitusyon na nagtatakda ng isang progresibong sistema ng pagbubuwis na nagtataguyod ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa lipunan. Gayundin ang probisyon na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo, sa rekomendasyon ng Secretary of Finance, na pansamantalang ibalik sa 12% ang VAT kung sakaling matukoy ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na lumagpas sa itinakdang limitasyong ang national depisit. 

Matatandaan naman na una nang naghain si Cavite 4th District Rep. Elpidio “Kiko” Barzaga Jr. ng hiwalay na panukalang batas na naglalayong tuluyang alisin ang VAT at ibaba ang rate nito sa 0%.