Itinutulak ni Senador Win Gatchalian ang pagbuo ng isang 30-taong pangmatagalang plano sa imprastraktura upang maiwasan ang mga budget insertion at matiyak ang mas mataas na balik o benepisyo sa mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Senate Bill 1652 o “Masterplan for Infrastructure and National Development Act (MIND)”, layong magkaroon ng pangmatagalang masterplan na magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mahahalagang proyekto kahit magpalit ang administrasyon. Nilalayon din nitong matiyak na ang pondo ay mailalaan sa mga proyektong direktang mapapakinabangan ng mga mamamayang nagbabayad ng buwis.
Binibigyang-diin ni Gatchalian na kailangang alisin ang impluwensiyang pulitikal sa pagpili at pagpapatupad ng mga proyekto, lalo na’t malaking bahagi ng pambansang badyet ang inilalaan sa imprastraktura. Batay sa datos ng Department of Budget and Management, tumaas ng average na 7.9 porsiyento kada taon ang pondong nakalaan sa national infrastructure projects mula 2022 hanggang 2025.
Samantala, inaahasan naman na sa oras na maisabatas ang panukala ay masisiguro ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mahahalagang proyekto at ang maayos na paggamit ng pondo ng pamahalaan.
















