Isiniwalat ng Toll Regulatory Board (TRB) na halos lahat ng mga expressway sa bansa ay mayroong nakabinbing petisyon para sa pagpapatupad ng dagdag-toll.
Inihayag ito ni TRB spokesperson Julius Corpuz kasunod ng pormal na pagpapatupad nitong Miyerkules ng ikalawang tranche ng toll hike sa CAVITEX R-1 Expressway Extension.
Sakop ng naturang price adjustment sa CAVITEX ang rutang nagmumula sa Zapote sa Lungsod ng Las Piñas hanggang sa bayan ng Kawit sa Cavite.
Ayon kay Corpuz, patuloy na sumasailalim sa masusing pagsusuri at proseso ng TRB ang lahat ng mga inihain na petisyon ng mga expressway operators.
Tiniyak ng regulatory body na tinitimbang nang maayos ang prayoridad sa kapakanan ng mga motorista bago maglabas ng anumang desisyon kaugnay ng taas-singil.
Samantala, pinaalalahanan din ang mga biyahero na patuloy na maging handa sa mga ipinapatupad na pagbabago sa singilin sa mga pangunahing daanan.















