-- Advertisements --

Naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang Fuso wing van truck na sangkot sa aksidente sa South Luzon Expressway (SLEX) na ikinasawi ng tatlong katao nitong Araw ng Pasko.

Batay sa paunang imbestigasyon ng SLEX Patrol, magkasunod na bumibiyahe ang truck at isang Honda City sedan sa Lane 4 ng SLEX nang umano’y mag-alinlangan ang driver ng kotse kung tutuloy sa SLEX o papasok sa Skyway ramp.

Bigla umanong lumihis ng linya ang sasakyan dahilan upang mabangga at makaladkad ito ng truck.

Tatlo ang nasawi sa aksidente habang tatlo naman ang nasugatan, kabilang ang isang limang taong gulang na bata.

Sinisilip din ng mga awtoridad ang posibilidad na overspeeding ang truck sa oras ng insidente.

Inatasan na ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division (IID) na magsagawa ng pagdinig sa Enero 6, 2025, at ipinatawag ang may-ari at driver ng truck. Inutusan din silang magsumite ng notarized verified comment upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa kasong reckless driving at kung bakit hindi dapat suspendihin ang lisensiya ng driver.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, isinailalim na sa alarm status ang driver at sinuspinde ng 90 araw ang kanyang lisensiya. Nauna ring naiulat na nasa kustodiya siya ng PNP-Highway Patrol Group at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property.