Magsisimula na ngayong araw ng Sabado, Disyembre 20, ang pagbigat ng trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Batay sa pagtaya ng Toll Regulatory Board (TRB), mula 5% hanggang 10% ang pagbigat sa daloy ng trapiko sa dalawang nabanggit na expressway dahil sa holiday exodus.
Nagdeploy na rin ang TRB ng mga security, patrol vehicle, at traffic management personnel para umalalay sa mga motorista.
Nakadeploy na rin ang mga ambulansya, medical personnel, tow trucks, at fire trucks sa ilang lugar para matiyak ang mabilis at maagap na pagresponde sa anumang mangyayaring emergency.
Ang mga TRB personnel na idineploy sa dalawang pangunahing expressways sa bansa ay maliban pa sa sariling personnel ng NLEX at SLEX na nakabantay sa kahabaan ng mga lansangan.
Pinaalalahanan din ng board ang mga toll operator na maglatag ng contigency at tiyaking mabilis ang pag-usad ng trapiko sa bawat toll plaza.
Posibleng magtatagal ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa dalawang expressway hanggang sa unang linggo ng Enero kung kailan inaasahang magsisibalikan ang mga biyahero.















