-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Tiniyak ni DPWH Secretary Vince Dizon na bago sumapit ang Mahal na Araw sa buwan ng Abril ay matatapos na ang pagsasaayos ng Maharlika Highway.

Pasado alas-9 ng gabi nang dumating si Secretary Dizon sa Calbayog City upang magsagawa ng inspeksyon sa Maharlika Highway sa Samar.

Una siyang nakipagpulong sa ilang opisyal ng Samar kasama sina Calbayog City Mayor Raymund Uy, Samar Governor Sharee Ann Tan, dating Congressman Paul Daza, 2nd District Congressman Reynolds Tan, at DPWH Regional Director Edgar Tabacon.

Ang Maharlika Highway ay may habang 3,517 kilometro mula Laoag City hanggang General Santos City sa Mindanao.

Sa kanyang inspeksyon sakay ng bus, naranasan mismo ni Secretary Dizon ang matinding kalbaryo ng mga motorista, lubak-lubak, maputik, at putol-putol na daan, na kasalukuyang sitwasyon sa Samar. Dahil dito, iginiit ng kalihim na kinakailangang matapos ang reblocking o pagpapalit ng mga sirang bahagi ng kalsada bago ang Mahal na Araw.

Kabilang din sa kanyang ininspeksyon ang Calbiga Bridge, na may load restriction limit na 15 metric tons para sa mga sasakyan simula pa noong Oktubre 27, 2025.

Tinatayang aabot sa P16 bilyon ang pondong gagamitin para sa Maharlika Highway, kung saan P8.05 bilyon ang nakalaan para sa Samar.

Ayon kay Dizon, kailangang matapos agad ang proyekto dahil sobra na umano ang pagtitiis ng mga Pilipinong dumaraan sa Maharlika Highway, lalo na sa Samar area.