-- Advertisements --

Naobserbahan ang mas magaang trapiko sa Northern Luzon Expressway (NLEX) ngayong araw ng Pasko (Dec. 25).

Batay sa report ng NLEX, malaki ang ibinaba ng bulto ng mga sasakyang dumadaan sa naturang expressway, kumpara nitong bisperas ng Pasko at mga araw bago ang bisperas.

Mabilis din ang pag-usad ng mga sasakyan, kahit sa mga toll plaza kung saan karaniwang nagkakaroon ng kumpulan ang mga behikulo.

Una nang tinaya ng NLEX management na hanggang 370,000 ang dadaan araw-araw sa naturang expressway sa kasagsagan ng holiday season. Ito ay limang porsyentong mas mataas kumpara sa naitatalang daily average.

Sa kabila nito, nananatiling nakadeploy ang mga NLEX personnel sa kahabaan ng expressway, upang umalalay sa mga motorista, lalo na ang mga magkaka-aberya habang bumibiyahe.

Mananatiling nakabantay ang mga ito hanggang sa unang lingo ng Enero, kung kailan inaasahang babalik na ang mga biyahero dito sa National Capital Region.