Lumagpas pa sa inaashaan ang bilang ng mga international passenger sa Kapaskuhan, batay sa official report ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon sa naturang opisina, noong December 23 ay mahigit 61,000 katao ang naitalang dumating sa lahat ng international port ng bansa.
Sa naturang bilang, nairehistro ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) immigration officers ang hanggang 49,176 international arrivals, sa kapareho ring araw.
Sa kabuuan, umabot sa 61,658 arrivals ang naitala ng bansa habang ang departures ay pumalo sa 66,655, salig sa opisyal na international passenger traffic records.
Sa kabila ng mataas na passenger traffic, nananatili pa rin umano ang maayos na operasyon sa mga pantalan at paliparan ng bansa, maliban lamang sa ilang pagkakataon na nagkakaroon ng mahahabang pila sa processing.
Bilang tugon, nagdeploy pa ang BI ng karagdagang 132 immigration officers sa buong bansa, habang in-activate ang ilan pang mobile immigration counters sa mga high-traffic terminal.
Mananatiling naka-alerto ang naturang opisina hanggang sa unang lingo ng Enero, 2026 kung saan inaasahang magpapatuloy ang dagsa ng maraming pasahero sa mga pantalan at paliparan.
















