Nasabat ng mga awtoridad ang humigit-kumulang P39.1 million halaga ng cocaine na umano’y itinago sa bagahe ng isang babaeng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.
Sa pahayag ng PNP, isinagawa ang anti-narcotics operation ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) mula Enero 29 hanggang 30, matapos makatanggap ng intelligence information hinggil sa pagdating ng isang 38-anyos na babaeng pasahero na nagdadala umano ng ilegal na droga.
Napag-alaman na nagmula pa ang pasahero sa Sao Paulo, Brazil, at dumaan sa Doha, Qatar bago dumating sa NAIA Terminal 3.
Sa isinagawang routine X-ray screening, napansin ng isang inspector ng Bureau of Customs (BOC) ang kahina-hinalang bagay sa loob ng isang green trolley bag.
Agad namang isinailalim sa secondary inspection ang bagahe sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 unit na nagbigay ng indikasyon sa presensya ng ilegal na droga.
Sa manual inspection, nadiskubre ang isang nakatagong compartment na naglalaman ng apat na pouch na balot ng tape, plastic, carbon paper, at foil.
Dito nakumpira sa pamamagitan ng Raman spectrometer field test na ang narekober na substance ay cocaine, na may tinatayang kabuuang standard drug price na P39,181,660.
Agad na inaresto ang babaeng pasahero ng mga tauhan ng NAIA Police Station 3. Isinagawa onsite ang marking at inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng mga kinatawan ng media at barangay, alinsunod sa itinakdang proseso.
Ang naarestong pasahero at ang lahat ng nakumpiskang ilegal na droga ay kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA-IADITG para sa wastong documentation at legal disposition.
















