Inaasahang tataas ng limang porsiyento ang bilang ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 5, 2026, o humigit-kumulang 2.55 milyong biyahero, ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC).
Batay sa tala ng paliparan tinatayang aabot sa 13,700 flight ang hahawakan nito, kung saan inaasahang pinakamalaki ang pagdami ng pasahero sa Terminal 3.
Naitala rin ang pinakamataas na bilang ng pasahero sa kasaysayan ng NAIA noong Disyembre 20, na umabot sa 171,306 katao.
Ayon sa NNIC, patuloy na lumalagpas sa orihinal na kapasidad ang operasyon ng NAIA, ngunit nakatulong ang mga bagong pasilidad at sistemang ipinatupad matapos kunin ng bagong operator ang pamamahala noong Setyembre 2024 upang mapabuti ang daloy ng mga pasahero.
















