Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko tungkol sa mga indibidwal at grupo na hindi otorisado na nag-aalok ng kanilang serbisyo upang mapabilis o tulungan ang pagproseso ng Travel Clearance para sa mga menor de edad na planong bumiyahe sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng Central Processing Office–Minors Traveling Abroad (CPO-MTA), ang DSWD ay nagbigay babala sa mga magulang, legal na tagapag-alaga, at mga kamag-anak na siguraduhing maging maingat at alerto sa mga “fixer” o mga taong nag-aalok ng hindi totoong tulong.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, ang direktang pakikipag-ugnayan sa CPO-MTA at ang mahigpit na pagsunod sa lahat ng mga kinakailangan at alituntunin ay ang pinakamabilis at pinaka-epektibong paraan upang makakuha ng travel clearance para sa mga menor de edad.
Nilinaw ng DSWD na hindi nito pinapahintulutan o kinikilala ang anumang third-party agents o mga ahente sa pagproseso ng aplikasyon para sa travel clearance.
Muling binigyang-diin ni Asec. Dumlao ang tamang proseso at mga hakbang na dapat sundin sa pagkuha ng nasabing dokumento.
Mahalaga na sundin ang mga ito upang maiwasan ang anumang problema o pagkaantala sa pag-apruba ng travel clearance.
















