-- Advertisements --

Tiniyak ng mga opisyal ng House Justice Committee na  walang

epekto ang desisyon ng Korte Suprema (SC) sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa kasalukuyang impeachment proceedings laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Paliwanag ni San Juan Rep. Ysabel Maria J. Zamora, vice chair ng komite, ang SC ruling ay tumutukoy lamang sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente na isinampa sa ilalim ng ikalawang paraan, o yaong nangangailangan ng lagda ng isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara.

Sa kaso naman ng Pangulo, ang dalawang impeachment complaints ay inihain ng mga pribadong indibidwal, inendorso ng mga mambabatas, at nairefer sa komite sa tamang panahon, kaya’t hindi ito apektado ng naturang desisyon.

Nilinaw rin ni Zamora na ang SC ruling ay nagbigay-kahulugan lamang sa terminong “session days,” na ginamit sa pagbilang ng panahon sa impeachment laban sa Bise Presidente, dahilan kung bakit ito itinuring na “barred.”

Sang-ayon dito sina Committee Chair Batangas Rep. Gerville Luistro at Vice Chair Bukidnon Rep. Keith Flores, na nagsabing magkaiba ang proseso at batayan ng mga kasong impeachment.

Samantala, pinaalalahanan ni Luistro ang mga kasamahan na iwasan ang sariling interpretasyon sa desisyon ng SC at ipaubaya ang usapin sa pamunuan at mga kaukulang komite ng Kamara.