-- Advertisements --

Muling nag-ikot sa mga pamilihan sa National Capital Region (NCR) ang Department of Agriculture upang bantayan ang presyo ng mga agricultural products, kasabay ng pagpasok ng 2026.

Pinangunahan ni DA Assistant Secretary Genevieve V. Guevarra ang inspection kung saan napansin ang hanggang sampung retailer na may mataas na presyo ng mga paninda.

Ayon sa opisyal, hindi pasok sa suggested retail price at ipinapataw na maximum suggested retail price ang presyo ng kanilang mga paninda.

Papadalhan ang mga ito ng ‘notice to explain’ upang ipaliwanag kung bakit labis ang ipinapataw na presyo, sa kabila ng inilabas na SRP at MSRP.

Pinakamarami sa mga nasita ay nagbebenta ng karne ng baboy. Lumalabas sa inspection ng DA na ibinebenta ng mga ito ang kada kilo ng liempo sa halagang P400 hanggang P420.

Ito ay P30 hanggang P50 na mas mataas kaysa sa MSRP na P370.00.

Ginagawa ng ahensiya ang biglaang pag-inspection upang masigurong naipapatupad ang tamang presyo sa mga agri products at nasusunod ang ilang MSRP na ipinapataw mula pa nitong 2025.