-- Advertisements --

Paiimbestigahan na sa House of Representatives ang umano’y maanomalyang titulo ng nasa 1,014.92 ektaryang lupain sa Siruma, Camarines Sur, na sumasaklaw hindi lamang sa mga iginawad na lupang sakahan kundi maging sa bahagi ng Pacific Ocean.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Camarines Sur 3rd District Representative Nelson Legacion , sinabi nito na nakatakdang isagawa ang congressional probe sa pangunguna ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella kasunod ng mga natuklasang kapalpakan at irregularidad umano sa registering title sa nasabing malawak na lupain.

Ayon kay Legacion, inaalam na kung saang ahensya ng gobyerno nagkaroon ng pagkukulang.

Kabilang sa mga tinitingnan ang posibleng pananagutan sa lebel ng Land Registration Authority, Register of Deeds, Department of Environment and Natural Resources, at Department of Agrarian Reform.

Binigyang-diin ng mambabatas sa panayam ng Bombo Radyo na 458 ektarya sa inaangking titulo ay napasailalim na sa Comprehensive Agrarian Reform Program.

Nasa 177 benepisyaryong magsasaka na rin ang nakatanggap ng Certificate of Land Ownership Award makaraang mismong ang Presidente ng Pilipinas ang mamahagi nito noong Hunyo 2024.

Lalong kinuwestiyon ang nasabing pag-aari dahil nakapaloob din sa titulo ang mga mangrove, timberland, at bahagi ng karagatan.

“Pangalawa, parte po doon sa 1,000 hectare plus ay mangrove, timberland, and ito ang nakakatawa na nakakainis na parang nakakagalit, portion noong 1,000 plus hectares ay porsyon din ng Pacific Ocean. Saan ka nakakita ng ganyang titulo ng lupa, ‘di ba?” saad ng ating source sa panayam.

Mariin ding kinondena ang nagaganap na harassment sa pamamagitan ng pagbabakod na walang kaukulang permit upang harangin ang mga ordinaryong residente.

“Kapagka ginawa po ‘yun at mai-exclude ‘yung ibang mga tao, kawawa naman, ‘di ba? Mababakuran mo, ili-limit mo ‘yung kanyang daan, ili-limit mo ‘yung pwedeng gawin… makukulong sa loob ng lupain na binakuran, ‘di po ba?” dagdag pa nito.

Kung maaalala, inamin ni Camarines Sur Governor Luis Raymund Villafuerte ang kanilang family-owned corporation na Wanderlust Land Development Corporation ang nasa likod ng pagbabakod sa malaking bahagi ng lupain sa lalawigan.

Sa kabila nito ay mariing itinanggi ng gobernador ang issue ng malawakang land grabbing sa Siruma