Nagbabala ang pamahalaan ng China na haharangin nito ang pagpasok ng mas marami pang opisyal ng Pilipinas sa kanilang teritoryo sakaling opisyal na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.
Inihayag ng Embahada ng China sa Maynila na hindi na rin nila tatanggapin sa kanilang bansa ang mga national leaders kung ipatutupad ang panawagang itaboy ang kanilang embahador.
Kasabay nito, muling hinamon ng embahada ang mga mambabatas na agad na isagawa ang naturang hakbang habang iginiit na sawa na sila sa itinuturing nilang banta ng mga anti-China na grupo sa bansa.
Ang panibagong banta ay kasunod ng mga naunang sanction ng Beijing kung saan pormal na nitong pinagbawalan pumasok sa China sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Labor Secretary Francis Tolentino dahil sa kanilang mga pahayag laban sa China.
Samantala, binigyang-diin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na bagama’t karapatan ng China ang magpataw ng sanksyon, ang mga ganitong uri ng hakbang ay itinuturing na “unfriendly act” na lalo lamang nagpapalubha sa tensyon ng dalawang bansa.
Sa kabila ng tumitinding hidwaan kaugnay ng West Philippine Sea, nanawagan pa rin ang embahada na iwasan ng Pilipinas ang maging arena ng geopolitical confrontation sa pagitan ng China at Estados Unidos at sa halip ay piliin ang diyalogo.













