-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang naging pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na dapat magbitiw sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na pumapanig sa China kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Sa inilabas na pahayag ng Kongresista noong Sabado, sinabi niyang ang mandato ng mga halal na opisyal ay nagmumula sa sambayanang Pilipino at hindi sa kalihim ng Department of National Defense.

Aniya, kung may paniniwala si Teodoro na may lumabag sa batas, nararapat itong idaan sa tamang legal na proseso sa halip na manawagang magbitiw ang mga opisyal.

Giit pa ni Duterte na hindi dapat masukat ang pagiging makabayan batay sa bansag na “pro-China” o sa pagiging lantad sa pagsasalita tungkol sa usapin sa WPS.

Hindi lamang daw China ang nag-aangkin sa pinag-aagawang karagatan kaya’t hindi umano makatutulong ang “pagde-demonize” sa Beijing.

Binigyang-diin din ng kongresista na ang pangunahing tungkulin ni Teodoro ay ang palakasin ang defense ng bansa at hindi ang paghusga sa katapatan ng mga halal na opisyal.

Binanggit din niya ang naging dual citizenship ni Teodoro noon at sinabi na hindi dapat gawing batayan ng katapatan sa bansa ang pinagmulan ng pamilya ng isang opisyal, kasabay ng pagtukoy sa Chinese ancestry ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Nanawagan din ang mambabatas sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na manatiling nakatuon sa kanilang tungkuling ipagtanggol ang bansa at huwag madala sa aniya’y mga sigalot na bunga ng personal na alitan ng ilang opisyal ng pamahalaan.

Buwelta naman ni Teodoro na hindi ang personal na paniniwala ng mga opisyal ang kanyang tinutukoy kundi ang kanilang obligasyong sumunod sa umiiral na batas at polisiya ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang Administrative Order No. 29 na inilabas noong 2012, na nagtalaga sa karagatang nasa kanlurang bahagi ng Pilipinas bilang WPS, ay ibinalangkas ng bansa at nananatiling may bisa hangga’t hindi ito napapawalang-saysay ng hukuman.