Paiigtingin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga operasyong pangkaligtasan at seguridad sa buong bansa sa inaasahang pagbiyahe ng mahigit 1.5 hanggang 2 milyong pasahero ngayong Undas 2026, na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Inatasan ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ang lahat ng 17 Coast Guard Districts na ipatupad ang Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Kabilang sa mga hakbang ang masusing inspeksiyon sa mga sasakyang pandagat upang maiwasan ang overloading, maritime patrols, at paghahanda ng mga response group at medical team para sa mga emerhensiya.
Magbibigay rin ng suporta ang PCG sa mga Malasakit Help Desk ng Department of Transportation (DOTr) upang matulungan ang mga pasaherong may suliranin sa kanilang biyahe.
Layunin ng PCG na matiyak ang ligtas na pag byahe ng mga pasahero at makamit ang zero-casualty observance ngayong Undas.














