Naniniwala si Deputy Speaker Janette Garin, na ang pagpapahaba sa termino ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials mula apat na taon tungo sa limang taon ay maaaring makatipid sa gobyerno ng tinatayang P30 bilyon sa gastos sa halalan.
Sa ilalim ng panukala, ang susunod na barangay at SK elections ay gaganapin sa Nobyembre 2028.
Mayroon ding dalawang termino lamang ang mga barangay officials. Ibig sabihin, kung nasa ikalawa o ikatlong termino na ang isang opisyal, iyon na ang kanyang huling termino.
Sinabi ni Garin na ang dagdag na isang taon ay maaari ring magbigay ng panahon sa Kongreso upang pag-aralan ang mga reklamo at posibleng pagbabago sa sistema ng SK.
Kabilang sa mga reklamong natanggap ay umano’y maling paggamit ng pondo ng SK, kabilang ang pekeng pirma at mga tsekeng hindi umano maayos na na-account.
Gayunman, nilinaw ni Garin na hindi lahat ng SK officials ay sangkot sa mga reklamong ito.
May ilang mambabatas na nagmumungkahi ng pagbabago sa sistema ng SK, habang ang iba naman ay pinag-aaralan ang posibilidad na tuluyang alisin ito. Hindi bahagi ng kasalukuyang panukala ang mga pagbabagong ito.
Isa sa mga alternatibong pinag-aaralan ay ang pagpapanatili ng youth representative sa barangay kahit wala na ang kasalukuyang sistema ng SK.
















