-- Advertisements --

Binigyan ng Kamara de Representantes ng palugit hanggang sa araw ng Biyernes, Oktubre 3 ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para isumite ang kanilang panukala para sa mas mataas na case rates sa 2026.

Babala ng mga mambabatas, nakasalalay dito kung maaaprubahan ang dagdag na subsidiya ng state-health insurer sa susunod na taon.

Sa deliberasyon ng ₱253-bilyong budget ng Department of Health, iginiit ni House Appropriations Chair Mikaela Suansing na dahil plano ng Kamara na i-realign ang ₱60 bilyon mula sa DPWH budget patungo sa National Health Insurance Program, kailangang tiyakin ng PhilHealth ang pagtataas ng case rates o ang fixed na bayad na ibinibigay sa ospital at doktor sa bawat sakit o procedure.

Ayon kay Rep. Suansing, inaasahang tataas ng 50% ang case rates dahil dodoblehin ng Kongreso ang pondo ng PhilHealth.

Ang ₱60 bilyon ay ang halaga ng isinauling pondo ng PhilHealth sa National Treasury noong 2024, kung saan inaasahang madaragdagan ito ng ₱53 billion sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program.

Sakaling pumasa, aabot sa ₱113 bilyon ang kabuuang subsidiya para sa PhilHealth.

Kaugnay nito, pinilit nina Rep. Suansing at House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin ang PhilHealth na magbigay ng detalye sa packages para sa malalaking operasyon gaya ng angiogram at angioplasty.

Sa huli, tinaya ng PhilHealth na posibleng tumaas sa ₱100,000 ang coverage para sa angiogram at ₱200,000 para sa angioplasty.

Ayon naman kay Rep. Suansing, kaya itong tustusan ng PhilHealth gamit ang malalaking reserbang pondo, basta’t hindi gagamitin ang dagdag na subsidiya para sa investments.