Ibinunyag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na nakatanggap ng P2 million ang bawat 318 na kongresista bilang Christmas Bonus.
Ito ay nataon aniya sa pagboto para sa 2026 General Appropriations Bill.
Paliwanag ng mambabatas na maaliban sa sahod ng bawat miyebro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, mayroon ding natatanggap na buwanang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng kani-kanilang opisina, na nasa humigit-kumulang isang milyong peso.
Kahapon aniya, Disyembre 30, binigyan sila ng “extra” kabilang ang bonuses na inilabas kasabay ng botohan para sa 2026 budget.
Inamin ni Leviste na nalaman niya lamang ang tungkol sa bonus mula sa ibang mambabatas.
Aniya, bawat kongresista ay kumikita ng P300,000 kada buwan bilang sahod.
Lumalabas aniya na ang take home pay ng bawat kongresista kung pagsasamahin ang operating expenses at mga sahod ng 318 na mambabatas ay nasa mahigit P1 billion.
Ginawa ni Leviste ang pahayag kasabay ng kaniyang pagkuwestyon sa P10.5 billion kung saan bulto nito o nasa P7.8 billion ay mapupunta sa MOOE at nangangahulugan na kasama sa pondo ang umento sa bayad para sa kanilang sariling bonuses kabilang ang P2 million para sa bawat kongresista.
Subalit, nilinaw ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno na hindi ito Christmas bouns kundi karagdagang pagpopondo para sa Christmas requirements sa kanilang distrito. Iginiit din ng mambabatas na ang pondo ay dokumentado at subject sa government audit.
Itinanggi rin ni House Committee on Appropriations chairman Mikaela Suansing ang alegasyon ni Leviste na nakatanggap ng P2 million na Christmas bonus ang bawat kongresista.
Nilinaw rin ni Rep. Suansing na walang pang-impluwensiya o pamimilit na nangyari mula sa House leadership para himukin ang sinumang kongresista na bumoto ng pabor sa panukalang badyet para sa susunod na taon at walang anumang insentibong ibinibigay kapalit ng boto ng mga miyembro.
















