Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagdedeklara sa Nobyembre 30 ng bawat taon bilang “Jesus Reigns National Day of Worship.”
Sa botong 213 pabor, zero kontra, at tatlong abstention, ipinasa ang House Bill (HB) No. 7368 na inakda nina Sarangani Rep. Steven Chiongbian Solon at Rizal Rep. Emigdio Tanjuatco III.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na siyang nanguna sa pagpasa ng bill sa plenaryo, ang hakbang na ito ay pagkilala sa debosyon ng mga Pilipino, kung saan 90 porsiyento ng populasyon ay mga Kristiyano at Katoliko.
Layunin ng nasabing panukala na maglaan ng espesyal na araw para sa pagpapahayag ng pananampalataya at panalangin para sa pagbabago ng bansa.
Ang selebrasyon ay nagsimula sa Cebu sa ilalim ng “Jesus Reigns” movement bilang paraan ng pagpapatatag sa moral at espirituwal na pundasyon ng mga Pilipino.
Magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa mga pangunahing pahayagan.
Ang Nobyembre 30 ay kasabay rin ng paggunita sa Bonifacio Day, ngunit ang bagong panukala ay magsisilbing dedikadong araw ng pagsamba sa buong bansa.
















