-- Advertisements --

Ipinahayag ng Akbayan Partylist ang kanilang pagtutol sa 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, tatlong mahahalagang tanong ang dahilan ng kanilang pagtanggi, una Sinusuportahan ba ng 2026 budget ang kinabukasan ng kabataan? Naiaangat ba nito ang buhay ng mamamayan? At natatapos ba nito ang kultura ng korapsiyon?

Sa kabila ng pagkilala sa ginawa para mabuo ang panukalang budget, sinabi nito na hindi ang sagot sa mga tanong na ito.

Sinabi ni Diokno, Una, kulang ang pondo para sa edukasyon lalo na sa harap ng krisis. 

Ayon sa DepEd, may kakulangan ng 165,000 silid-aralan, ngunit sa 2026 budget, hanggang 25,000 lang ang itatayo. Dagdag pa rito, may 2.2 milyong kabataan ang hindi nakakapag-aral, subalit ang Alternative Learning System ay makakatulong lamang sa 200,000, o 9% ng mga out-of-school youth.

Pangalawa, maliit ang pondo sa kalusugan higit isang porsyento lang ng GDP, habang ayon sa World Health Organization, dapat ito ay lima porsyento. Karamihan sa gastusin sa pagpapagamot ay galing sa sariling bulsa ng mga Pilipino. Kulang din ang PhilHealth ng ₱129 bilyon, na nagdudulot ng panganib sa mga benepisyo ng mga miyembro nito.

Pangatlo, nananatili pa rin ang malalaking pondo sa Unprogrammed Appropriations na nagkakahalaga ng ₱243 bilyon, na ibinibigay sa Executive branch nang walang malinaw na detalye kung paano gagamitin ito. Sa kabila ng mga nakaraang isyu sa ghost projects at korapsiyon, hindi pa rin ito natutuldukan.

Dahil dito, mariing sinabi ng Akbayan Partylist na hindi nila kayang suportahan ang budget.

Sinabi ni Diokno na sila ay nangako sa mga estudyanteng walang silid-aralan, sa kabataang hindi makapag-aral, sa mga pamilyang hindi makabayad sa ospital, at sa mga taxpayers na nagagalit sa pag-aaksaya ng kanilang buwis.

Dahil dito No Vote ang kanilang desisyon.