-- Advertisements --

Kasalukuyang dumaraan na sa masusing pagsusuri ang ratipikadong 2026 General Appropriations Act (GAA) matapos natanggap kahapon December 29,2025 ng Palasyo ng Malakanyang.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto personal na sinusuri ng Pangulo at ng kanyang gabinete ang lahat ng alokasyon at probisyon ng panukalang badyet upang matiyak ang integridad nito at matukoy ang mga pagbabagong ginawa mula sa orihinal na National Expenditure Program (NEP).

Tiniyak niya na sisikapin ng pamahalaan na ang 2026 GAA ay tumalima hindi lamang sa mga legal at teknikal na rekisito, kundi higit sa lahat sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino. 

Inaasahang matatapos ang pagsusuri sa loob ng humigit-kumulang isang linggo.

Siniguro naman ni Recto na hindi maaantala ang operasyon ng gobyerno sakaling pansamantalang gumana ito sa ilalim ng reenacted budget. 

Aniya, mahalaga ang maingat na pagsusuri upang mapanatili ang disiplina sa pananalapi at matiyak na ang buwis ng taumbayan ay nagagamit nang wasto at may kapakinabangan sa publiko.