-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa mga local government units (LGUs) na paigtingin ang mga hakbang sa fire prevention habang papalapit ang tag-init, kung kailan mas mataas ang panganib ng sunog.

Ang panawagan ng senador ay kasunod ng matinding sunog na sumiklab sa Barangay Lamion sa Bongao, Tawi-Tawi noong Pebrero 3. Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga madaling magliyab na materyales at malalakas na hangin sa siksikang komunidad sa baybayin.

Tinatayang 1,404 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa insidente. Umabot sa P17.5 million ang pinsala sa pribadong ari-arian, habang aabot naman sa P18 milyon ang pinsala sa mga pampublikong imprastraktura.

Binanggit din ni Gatchalian na marami sa mga insidente ng sunog ay maaaring maiwasan, at karaniwang sanhi ang overloaded electrical circuits at ilegal na koneksyon ng kuryente.

Hinikayat niya ang mas mahigpit na pagpapatupad laban sa mga unauthorized electrical hookups at ang wastong paghawak at pag-iimbak ng liquefied petroleum gas (LPG) upang maiwasan ang panganib ng sunog.

“Simple but consistent safety practices can save lives and protect livelihoods,” ani ng senador.

Hinimok din niya ang mga LGU na paigtingin ang information campaigns at magsagawa ng community-based fire drills, lalo na sa mga lugar na dikit-dikit ang mga bahay.