-- Advertisements --

Kampante si Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian na walang magiging epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang ilang araw na pagkaka-delay sa pagpirma ng 2026 National Budget.

Ayon kay Gatchalian, kadalasang walang gaanong mahahalagang government activity bago mag-Enero-5, dahil sa parehong holiday ang unang dalawang araw ng taon.

Tiyak aniyang napapanahon pa rin ang pagkakapirma ng budget, matapos itong mapag-aralan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Unang pinirmahan ng Bicameral Conference Committee kahapon (Dec. 28) ang Bicam Report ng 2026 General Appropriations Bill (GAB) at ngayong araw nakatakdang ratipikahan ng Senado at Kamara.

Matapos nito ay saka pa lamang ipapadala sa Malacañang upang pag-aralan ng pangulo at tuluyang pirmahan.

Kasabay nito ay kampante rin si Gatchalian na walang ive-veto si Pang. Marcos na probisyon ng final 2026 budget version.

Aniya, mahigpit ang naging koordinasyon sa pagitan ng Kongreso at ng Executive Department sa kabuuan ng pagbusisi sa pambansang pondo, at tiyak na pabor ang Palasyo sa nilalaman ng panukalang pondo.

Una nang sinabi ng Malakaniyang na posibleng sa unang lingo na ng Enero mapipirmahan ang budget, dahil pag-aaralan pa ni Pang. Marcos ang nilalaman nito, kapag tuluyan nang naipasakamay ng Kongreso.