Nanindigan si Sen. Risa Hontiveros sa tradisyon ng Senado na hindi dapat maaresto ang sinumang senador habang nasa sesyon ang mataas na kapulungan.
Sa isang panayam, natanong ang mambabatas ukol sa pagkakatukoy kina Sen. Christopher Go at Sen. Ronald Dela Rosa bilang co-perpetrators ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Hontiveros, sinusuportahan niya ang naunang pahayag ni Senate President Vicente Sotto III na walang senador ng Pilipinas ang maaaring maaresto habang nasa sesyon ang Senado.
Gayunpaman, aminado rin ang mambabatas na mahalagang matalakay ito sa magiging caucus ng mataas na kapulungan na inaasahang isasagawa bukas, Feb. 18.
Sa ngayon, nananatili aniya ang garantiya at pangako ni SP Sotto na hindi dapat arestuhin ang mga senador habang nasa sesyon, salig na rin sa itinatakda ng Philippine Constitution.
Mahalaga rin aniyang mapag-usapan ng mataas na kapulungan ang extent ng ibibigay na proteksyon ng Senado para sa dalawang napangalanang senador, kung sakaling maglalabas na nga ang ICC ng warrant of arrest laban sa kanila.
Pagtitiyak ng senador, lahat ng ito ay ilalapag sa caucus bukas, upang malaman ang kanilang pinakamainam na gawin, kasunod ng pagkakatukoy kina Sen. Go at Sen. Bato bilang ‘kasabwat’ ni dating Pang. Duterte sa mga nangyaring patayan sa ilalim ng kampaniya kontra iligal na droga.















