-- Advertisements --

Naniniwala si Sen. Sherwin Gatchalian na ang ginawa ng US na biglaang paglusob sa Venezuela ay posibleng maging motibasyon ng iba pang mga malalaking bansa upang tuluyan ding i-harass ang mas maliliit na bansa.

Ayon sa senador, tiyak na mas maraming bansa ang maglalakas-loob upang gayahin ang ginawa ng US at bigla na lamang lusubin o apihin ang mas maliliit na bansa, lalo at mistulang hindi nasisita ang US sa ginawa nito.

Posibleng gawin itong katwiran ng mas malalaking bansa aniya upang ipilit ang kanilang kagustuhan sa mas mahihinang bansa, kahit pa hindi makatwiran ang dahilan o rason ng paglusob.

Natanong din ang senador kung maaapektuhan ang Pilipinas sa kaguluhan sa Venezuela, lalo na sa usapin ng pag-angkat ng produktong petrolyo.

Ayon kay Gatchalian, hindi ito inaasahang magdudulot ng malaking epekto sa ekonomiya ng Pilipinas dahil halos walang trade relations ang Pinas sa mga bansa sa South America tulad ng Venezuela, maliban lamang sa ilang agricultural products.

Dahil sa hindi aniya gaanong nagbebenta ng malalaking bulto ng krudo ang Venezuela sa mga nakalipas na taon, hindi gaanong apektado ang world market, bagay na maganda para sa mga bansang nage-export ng krudo, tulad ng Pilipinas.

Batay sa kasaysayan, isinapormal noong 1999 ang trade relations sa pagitan ng Pilipinas at Venezuela sa ilalim ng 1999 Memorandum of Understanding kung saan nagpapalitan ng mga produkto ang dalawang bansa tulad ng agri products ngunit mababang bulto lamang.