Sinabi ni Senator Win Gatchalian nitong Lunes na ang rekord na P1.3 trilyong pondo para sa sektor ng edukasyon sa panukalang 2026 national budget ay magbibigay agad ng benepisyo sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagkuha ng mas maraming guro at tutors, at pagpapalawak ng School-Based Feeding Program.
Sa nasabing budget, P42 bilyon ang inilalaan para sa paglikha ng bagong posisyon sa paaralan, kung saan P29 bilyon ang gagamitin para punan ang higit 32,000 bagong teaching positions sa buong bansa upang tugunan ang kakulangan sa guro at mapababa ang class sizes.
May P9 bilyon din para tiyaking magkakaroon ng tutors sa lahat ng pampublikong paaralan para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na tutok sa mga mag-aaral na hirap makasabay sa kanilang lessons.
Itinatakda rin ng budget ang P25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program, na palalawakin ang coverage at duration mula 120 feeding days tungong 200. Saklaw nito ang lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners at magpapatuloy sa nutritional support para sa Grades 2–6 na wasted, severely wasted, stunted o severely stunted.
Ayon kay Gatchalian, na chairman ng Senate Committee on Finance, ang mga hakbang na ito ay inaasahang magdudulot ng agarang paghusay sa learning outcomes at kapakanan ng mga pinaka-vulnerable na public school learners. (report by Bombo Jai)
















