-- Advertisements --

Naghain si House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos ng panukalang batas na magbibigay ng libreng kuryente sa mga pamilyang mababa ang konsumo ng kuryente.

Sa ilalim ng House Bill No. 2700 o “Free Electricity for Low-Consumption Households Act,” sasagutin ng pamahalaan ang buong bayarin sa kuryente ng mga kwalipikadong sambahayan. 

Hindi rin papatawan ng 12% VAT ang subsidiyang ibibigay.

Sakop ng panukala ang mga kabahayang gumagamit ng hindi hihigit sa 135 kilowatt-hours (kWh) kada buwan o may bayarin na hindi lalampas sa P2,000, alinman ang mas mababa. 

Kailangan itong mapatunayan ng Energy Regulatory Commission at Department of Energy.

Layunin ng panukala na palitan ang kasalukuyang sistema ng lifeline rate kung saan ibang konsyumer ang sumasagot sa subsidiya ng mahihirap. 

Sa bagong sistema, direkta nang manggagaling sa gobyerno ang pondo upang maging mas patas at malinaw ang pagbibigay ng tulong.

Mag-iisyu ng zero-charge bill ang mga distribution utility sa mga kwalipikadong benepisyaryo at magpapasumite ng reimbursement sa DOE, na sasailalim sa audit ng Commission on Audit.

Samantala, ayon kay Majority leader Sandro Marcos na pinasimple na rin ang aplikasyon sa Lifeline Rate Subsidy Program upang mas maraming mahihirap na pamilya ang makinabang.